Tuesday, January 20, 2015

ANG PAPA (Ikatlong yugto)

January 21, 2015

Infallible

Ang kapangyarihan ng Pope ay sumasaklaw sa lahat ng gawaing pang-simbahan at ito ay mayroong dalawang anyo (aspect).

Una, ang SPIRITUAL na kapangyarihan ng Pope.  Ang Pope ay hindi kailanman maaaring magkamali (infallible) sa kanyang pagsasalita hinggil sa pananampalataya at moralidad. Ang Pope lamang ang mayroong lubusang kapangyarihan bilang guro at huwes, at siya lamang ang tanging makakapagpatibay (canonize), upang maging santo ang isang taong patay na o magkumpirma ng kasagraduhan (veneration) nito bago ito mahirang na santo.

Ang Pope lamang ang tanging makakapagpatawad ng mabibigat na kasalanan ng tao at makapagbibigay ng mabibigat na parusa, tulad ng ex-comunicado, sa lahat ng sumusuway sa kanyang kautusan sa ngalan ng simbahan. Mayroong kapangyarihan ang Pope upang gumawa ng batas, magtalaga ng cardinal, magtalaga o magtanggal ng Obispo, bumuo o maghati ng dioceses at magpatibay ng religious order. Ano mang oras ay maaaring magpatawag ang pope ng isang general conference upang tulungan siyang gumawa ng desisyon hinggil sa mga ipinatutupad ng Simbahang Katolika.

Ikalawa, ang kapangyarihang TEMPORAL (bilang isang tao) ng pope, siya ay isang ruler o katumbas na posisyon ng hari o kaya ay katumbas ng isang pangulo ng bansa. Ang Vatican ay mayroong lawak na 108.7 acres at mayroong populasyong humigit-kumulang sa 1500 lamang na mamamayan, batay sa pinakahuling census. (Untold Stories About the Pope, 1994 Edition, pp. 57 – 62).

Ang Vatican City sa Roma ay hiwalay na bansa sa bansang Italia. Ang Vatican, bilang isang bansa, bukod sa pagiging isa ring lungsod, ay may sariling bandila, pera, selyo, pagawaing-bayan, telepono at broadcasting system. Bilang isang independent state, ang Vatican ay mayroong diplomatic status. Ang Pope ay nagpapadala ng diplomat sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo at tumatanggap din ng diplomat na galing sa mga bansang ito. Ang mga paring ambassador mula sa Vatican na ipinadadala sa iba’t-ibang panig ng mundo ay tinatawag na Papal Nuncio.

Ang gobyerno ng Vatican (Papacy) ay umaasa lamang sa abuloy bilang pondo nito mula sa mga simbahan sa iba’t-ibang panig ng mundo upang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng Vatican Palace, lalong-lalo na para sa pantustos sa mga charities. Ang mga kontribusyong ito na dumarating sa Vatican mula sa lahat ng panig ng mundo kada taon ay tinaguriang Peter’s pence. (ITUTULOY)

No comments:

Post a Comment